Nanindigan si PLDT Chairman at CEO Manny V. Pangilinan na walang pagkakautang ang kompanya sa gobyerno na nagkakahalaga ng P8 bilyon gaya ng sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang paglilinaw ni Pangilinan nitong Huwebes matapos magbabala si Pangulong Duterte na ipapasara niya ang PLDT dahil sa nakakadismayang serbis­yo ng kanilang hotline at sa P8 bilyong utang.

Sinabi ng binatang negosyante na nagsagawa sila ng internal inquiries at wala aniya silang makitang pagkakautang, taliwas sa naging pahayag ni Pangu­long Duterte.

Nagbabayad aniya ang kompanya ng tamang buwis at advance pa sila kada quarter.

“I don’t know. I checked internally, ano ba ang utang natin? I don’t know. As far as we know, we pay our taxes regularly,” ani Pangi­linan.

Si Pangilinan ay nasa inagurasyon ng NLEX Harbor Link Segment 10 at groundbreaking ng NLEX-SLEX Connector Road Project sa Caloocan City kung saan dadaluhan din ng Presidente.

Sinabi ni Pangilinan na hindi aniya nito alam kung saan galing ang pahayag ng Pangu­lo na walong bilyong pisong utang.

Samantala, sa isyu naman ng sinasabi ng Presidente na palpak na serbisyo ng PLDT para sa government hotline na 8888, sinabi ni Pangi­linan na nagdagdag na sila ng 20 pang trunk line dalawang gabi na ang nakalilipas.

Nakikipag-usap na rin aniya sila sa Malacañang para sa dagdag ding manpower at mga computer unit para rito.

Sa susunod na mga araw ay ilalagay na rin aniya nila ang isang teknolohiya o sistema para sa mas maayos na pila ng mga pumapasok na tawag sa hotline 8888.