MVP payag sa block time deal sa ABS-CBN

Bukas si Telco magnate Manuel V. Pa­ngilinan, chairman ng TV5 Network, sa posibilidad na pumasok sa isang block time agreement sa ABS-CBN Corp sakaling hindi makalusot ang franchise renewal ng nasabing network.

“We have lots of highways… setting politics aside, if they want to enter into a block time deal, wala naman kaming masyadong entertainment content,” sabi pa ni MVP.

Gayunman, maagap na nilinaw ni Pangilinan na wala pang nagaganap na anumang pag-uusap sa pagitan ng dalawang network at wala pa rin umanong lumalapit sa kanila para makipag-usap.

“They haven’t approached us. Walang kumakausap sa amin,” sabi pa nito.
“I don’t want to be presumptuous. We don’t want to think about it. We don’t want to take the first step,” dagdag ni Pa­ngilinan.

Inamin nito na nag-aalangan siyang pumasok sa anumang deal sa ABS-CBN dahil sa mga isyung politikal.

Magugunita na prangkahang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na haharangin niya ang franchise renewal ng ABS-CBN at kahapon ay hinimok din nito ang pamilya Lopez na may-ari ng ABS-CBN na ibenta na lang ang network dahil mapapaso na ang prangkisa nito sa Marso 30, 2020.

Samantala, malaki ang posibilidad na dobleng kamalasan ang abutin ng pamilya Lopez mula kay Pangulong Duterte dahil hindi lang ang broadcast giant na ABS-CBN ang posibleng matigil ang operasyon kundi pati ang sister company nito na Sky Cable kapag hindi nabigyan ng franchise renewal.

Kailangan ng Sky Cable Corporation na nasa ilalim ng Lopez Holdings Corporation (dating Benpres Holdings) na maipasa ang kanilang congressional franchise bago matapos ang Marso 30, 2020, ang expiration date ng kasalukuyang franchise sa ilalim ng Republic Act No. 7969, kundi ay tuluyang titigil ang operasyon ng kanilang kompanya kasama ang broadband, cable and satellite television services kapag hindi napagtibay ang franchise bill.

Noong Enero 2017, nasa 1.4 milyong ang customer ng Sky Cable sa buong bansa habang nasa 200,000 ang kanilang mga broadband internet subscriber.

Pag-aari ng Sky Cable ang nasa 26 na local/provincial television cable utilities sa bansa.

Matatandaan na noong Agosto, ipinanukala ni North Cotabato Rep. Jose ‘Ping’ Tejada sa ilalim ng House Bill No. 3121 na pagkalooban ng 25 taong franchise ang mga Lopez “to establish, construct, maintain and operator for commercial purposes cable/community entannai television system in the Philippines.” (JC Cahinhinan)