Game bukas: (Smart Araneta Coliseum)
7:00 p.m. — Ginebra vs. San Miguel

Anuman ang resulta ng best-of-five semifinals, isa sa team na nasa grupo ni Manny V. Pangilinan ang papalaot sa finals ng PBA Governors Cup, makaka­tapat ang isa naman sa koponan na nasa ilalim ng Ramon S. Ang Group ng San Miguel Corp.

Teams ni MVP sa isang dulo ng semis showdown, koponan ni RSA sa kabila.

Kumontak nang mala-import na game niya si Jayson Castro, pasiklab ng career-high 42 points para balikatin ang TNT sa 136-124 panalo kontra Phoenix sa quarterfinals game kagabi sa Ynares Center sa Antipolo.

Kumpleto na ang Final Four cast, makakatapat ng top seed TNT sa Martes ang kapayong sa MVP group at No. 4 Meralco na pinagbakasyon na rin ang No. 6 Mahindra 105-82.

Pinangunahan ng 24 points ni Allen Durham ang Bolts, umayuda ng 19 si Chris Newsome at 14 kay Cliff Hodge.

Bukas ang pasinaya sa sariling race-to-three win playoffs ng sister teams sa SMC na No. 3 Ginebra at No. 2 San Miguel Beer na gaya ng TNT at Meralco ay sa isang boldyakan lang pinasibat ang mga karibal na No. 6 Alaska at No. 7 NLEX kamakalawa.

“Jayson’s getting to be an all around player already. Kay Jayson naman he’s not too concerned about his personal stats basta manalo yung team masaya siya. Focus niya is to win the game and go to the next round,” ani KaTropa coach Jong Uichico.

“We just moved to the next round, that’s what happened today. We gotta be able to defend.

We enjoy for a minute then prepare for the next game,” hirit pa niya sa dominasyon sa Phoenix na pumorma lang sa late ng first at early second period sa four-point biggest lead.

May 14-of-26 field goal shooting ang The Blur sa pag-ako sa malamig na gabi ni Josh Ammons na nakapitong puntos lang pero may 13 rebounds.

Solido ang suporta nina Michael Madanly na may 17 points, 16 each nina Ranidel de Ocampo at Ryan Reyes, 13 ni Larry Fonaciet at 12 ni Kelly Williams sa KaTropa.