Iuurong ng Manila Water Company Inc. (MWCI) ng mga Ayala at ni Ricky Razon ang due date ng billing ng kanilang mga kostumer sa loob ng 30 araw bilang tugon sa community quarantine na ipinatutupad sa buong Luzon para maawat ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang payment extension ay para sa mga bill na pasok sa quarantine period ang due date.

Ayon sa kompanya, ginawa nila ito para hindi na lumabas ng bahay ang kanilang mga kostumer para lamang magbayad.

“Pangunahin sa amin ang kapakanan ng aming mga kostumer habang lahat tayo ay nagtutulong-tulong upang pigilin ang pagkalat ng COVI-D19,” sabi ni Manila Water pre­sident at chief executive officer Rene Almendras.

Tiniyak din ng Manila Water ang sapat na suplay ng tubig sa service area nito maliban na lamang kung magkakaroon ng emergency repair o maintenance activity.

Samantala, maging ang Prime Water ng mga Villar ay inanunsyo na kanilang pinapalawig ng 30 araw ang pagbayad sa water bill ng mga kostumer nito matapos isailalim sa community quarantine ang buong Luzon.

Tiniyak din ng kompanya na patuloy silang magsusuplay ng malinis at naiinom na tubig sa kanilang mga kostumer. (Eileen Mencias)