MWSS aminadong walang master plan sa krisis

Aminado ang pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na wala silang master plan o long-term solution para permanenteng matugunan ang mga umiiral at inaasahang suliranin sa tubig.

Sa pagdinig ng Se­nate committee on public services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe, sinabi ni MWSS Admi­nistrator Reynaldo Velasco na mga short-term measure lang ang me­ron ang ahensya at wala silang nabuong master plan para sa mga suliranin na katulad ng naranasang water shortage sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig probinsya ng Rizal.

“There has never been a master plan. There’s short-term,” pag-amin ni Velasco matapos pigain sa pagtatanong ng mga senador.

Dito nag-init ang ulo ni Se­nate Minority Leader Franklin Drilon dahil paano aniya masosolusyonan ang pangangaila­ngan sa tubig ng taumbayan kung puro short-term at walang pangmatagalang aksyon sa suliranin.

“Puro short-term, not chan­ging the plan every year. Then how do you intend to address their water needs? This is not the first time, every summer we talk about water crisis,” sabi ni Drilon.

Ipinaalala naman ni Senadora Risa Hontiveros na mayroong binuong master plan ang MWSS noong 2012 na hindi nagamit sa tuwing may isyu at suliranin na na­raranasan sa tubig. (Anne ­Lorraine-Gamo)