Siniguro ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa publiko na tatapusin ang problema sa kakulangan ng supply ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na ipinaabot sa kanya ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco na tatlong water source ang pagaganahin nila nitong Biyernes para magsilbing augmentation measure sa kakapusan ng supply ng tubig.
“According to MWSS Administrator Reynaldo Velasco, they are already addressing the matter. They have identified three water sources to augment the water supply: 50 million liters per day (mld) from the Maynilad Cross-Border Plant, 50 mld from the Manila Water Cardona Treatment Plant, and 100 mld from the old wells of Manila Water to be reactivated today,” ani Andanar.
Sinabi ng kalihim na responsibilidad ng mga water utility companys na tiyaking sapat ang supply at distribusyon ng tubig sa publiko.
Hindi aniya kukunsintihin ni Pangulong Duterte ang isang sitwasyon na malalagay sa hindi magandang sitwasyon ang mga Pilipino at hindi naibibigay sa kanila ang dapat nilang makuhang serbisyo.
Nabatid na binuksan na kahapon ang cross border pipe sa kanto ng West Avenue at Bulacan Street sa Quezon City para makapagbigay ng tubig ang Maynilad sa Manila Water.
Sa pamamagitan nito ay inaasahang bahagyang maiibsan ang krisis sa tubig sa east zone ng Metro Manila na sineserbisyuhan ng Manila Water.
Mismong si dating Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pumagitna at sumaklolo upang masolusyunan ang problema sa kapos na supply ng Manila Water.
Ipinaliwanag ni Maynilad president Ramon Fernandez na ang cross border pipe sa nasabing lugar ang pinakamabilis na paraan para makarating ang tubig mula sa west zone patungong east zone dahil kinakailangan lamang buksan ang valve.
Sa pagbubukas ng cross border pipe ay tinatayang 10 milyong litro ng tubig kada araw ang dadaloy sa East Zone.
Sinabi ni Fernandez na isa ito sa magagawa nilang tulong sa Manila Water para maaktuhan ang problema sa kulang na supply ng tubig sa mga lugar na kanilang sineserbisyuhan.