Salat sa tubig, salat sa inhinyero – Grace Poe
Sinisi ni Senador Grace Poe sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa nararanasang krisis sa tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig na probinsya ng Rizal dahil sobrang dami aniya ang mga abogadong nagpapatakbo sa ahensiya kaysa mga inhinyero na mas may kaalaman sa mga problemang teknikal.
“Sobra sila sa abogado wala silang inhinyero,” pahayag ni Poe matapos ang pagdinig ng Senate committee on public services nitong Martes hinggil sa water shortage.
Iginiit ni Poe na dapat isailalim sa reorganization ang MWSS para mapalitan ang mga miyembro ng ahensiya.
“Malaki ang naging pagkukulang ng Manila Water pero sa tingin ko mas malaki ang pagkukulang ng MWSS,” sabi ni Poe.
Mas kailangan aniya ng MWSS ang mga inhinyero. Hindi umano natukoy agad ng MWSS ang problema sa water shortage dahil na rin sa hindi naman naiintindihan ng mga abogado ang mga problemang teknikal.
Hindi tulad aniya ng inhinyero na teknikal ang kaalaman sa water system, ang abogado, ayon kay Poe ay puro legal framework lamang ang nalalaman.
“Ako sa tingin ko dapat palitan na sila eh. The most important thing is the composition has to be according to how that law was actually intended,” ani Poe.
“Dapat talaga mayroong engineer doon, a technical expert who understands the situation, because if they’re all lawyers, wala silang gagawin kundi puro mga legal na mga bagay lang pero hindi ‘yung mga technical na makakaapekto sa daloy ng tubig,” dagdag pa ni Poe. (Anne Lorraine Gamo)