Ang sexy ni Myrtle Sarrosa nang madatnan namin sa shooting ng bago niyang pelikula na ‘Wonder Bra’ sa isang resort sa Cavite. Naka-pink swimsuit ang dalaga at break time niya kaya gusto raw sana niyang mag-swimming. Pumayag naman siyang magpakuha ng larawan bago namin siya ininterbyu.

Sobrang grateful ni Myrtle sa direktor na si Joven Tan dahil sa kanya ipinagkatiwala ang Wonder Bra na aniya ay itinuturing niyang big break sa showbiz. At superhero pa ang role niya na siyempre ay dream namang magampanan ng kahit na sino’ng artista.

“Nagpapasalamat talaga ako kay Direk Joven kasi ako talaga ‘yung pinili niya for the role. Grateful talaga ako kay Direk Joven kasi isa ito sa mga parang first ko na for movies na leading for a major film,” pahayag ni Myrtle.

Kaya talagang nang-i-offer sa kanya ito ay oo raw siya agad kahit pa nga magre-require siya na magsuot ng bra lang dahil nga Wonder Bra ang titulo ng movie.

“Kasi sinabi ko talaga, pag superhero, go ako. Saka gusto ko talaga ang mga fantasy kahit dati pa and dream ko talaga na maging superhero.”

Pero may pagka-conservative pa rin naman daw ang costume niya na bra sa itaas pero ang pang-ibaba niya ay skirt at may leggings pa.
Nag-e-enjoy raw siya sa shooting na lumilipad-lipad siya at naka-harness.

“Iba talaga ang experience kasi this time, superhero ka, tapos may mga scenes na naka-harness, na nasa green screen, so, nag-e-enjoy talaga ako sa role ko ngayon,” kuwento ni Myrtle.

Biniro namin ang aktres kung kukumpentensyahin ba ng Wonder Bra ang Darna na pagbibidahan ni Liza Soberano at natawa siya.
“Inuhan pa namin si Darna na mag-shoot,” natatawa niyang sabi.

“Pero iba naman siya. Darna is an action-fantasy, ‘yung sa amin naman comedy-fantasy. Saka ‘yung costume ko, malayo sa Darna. Kulay-pink kaya naka-pink ako ngayon (pati swimsuit).”

Tungkol naman sa pagpapa-sexy, as we all know ay si Myrtle ang calendar girl ng Ginebra for 2018 at thankful siya dahil ang dami raw nagbukas na doors sa kanya simula nang maging endorser siya ng nasabing alak.

Kaya for her, good decision daw ang pagpayag niya na maging calendar girl ng Ginebra.

Kapareha ni Myrtle sa Wonder Bra si Zeus Collins at kasama niya rin sina Cacai Bautista, Ahron Villena at marami pang iba. (Vinia Vivar)