Maaring parusahan ang singer na si Mystika dahil sa pagmumura at pambabastos kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng viral video ng singer kung saan pinagmumura ang Pangulo kaugnay sa krisis sa coronavirus disease 2019.

Sinabi ni Roque na bagamat naninindigan ang Presidente sa freedom of expression, may batas aniya na hindi absolute ang kalayaang maghayag ng gustong ilabas sa publiko.

“Si Presidente ay naninindigan po yan para sa malayang pananalita, pero sa larangan ng Human Rights Law at International law, hindi absolute ang freedom of expression. Meron pong hangganan yan,”ani Roque.

Maaari aniyang limitahan ang freedom of expression kapag mayroong national emergency, at ang COVID-19 ay hindi lang national kundi international emergency.

Dahil dito, sinabi ni Roque na maaaring gamitin ang batas ng Bayanihan to Heal as One Act para parusahan si Mystika at ilan pang netizens na nagmumura sa Pangulo.

“Mystika, may batas po na pupuwedeng gamitin para parusahan ka!,” sabi ni Roque.

”Nakasaad sa international covenant on civil and political rights: A state can derogate among others dito sa freedom of expression kapag mayroong national emergency. Alam po natin na ang COVID ay hindi lang national emergency. It is an international emergency, ” dagdag ng bagong Presidential Spokesman.

Batay sa viral video ni Mystika, minura at binastos nito ang Presidente at hinamon niya ito na mag-self quarantine, huwag palabasin at huwag bigyan ng pagkain at inumin na ikinagalit ng maraming supporter ng Presidente.(Aileen Taliping/Prince Golez)