Isang buwan na lamang ay magiging operational na ang tinaguriang ‘mega drug rehab’ na ipinatayo ng gobyernong Duterte sa Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija.
Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Paulyn Ubial na patapos na ang isa sa pet project ni Pangulong Rodrigo Duterte na bahagi ng isinusulong na kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno.
Ang pasilidad na pangunahing proyekto ng DOH ay may lawak na sampung ektarya at dinisenyo para sa 2,500 in-patient beds.
Sinimulan ang konstruksyon ng rehab center noong kalagitnaan ng buwan ng Agosto at ngayon, ayon sa DOH Regional Office, ay nasa kalahati na ang naitatayo kaya areglado na ang pagseserbisyo nito sa mga pasyenteng kailangang isailalim sa rehabilitasyon.