Na-badtrip kay misis, bahay sinunog ni mister

Sinunog ng isang lala­keng naburyong ang kanilang bahay na ikinadamay ng ilan pang kabahayan matapos umanong gumamit ng droga at maga­lit sa kanyang asawa kahapon sa Muntinlupa City.

Ayon kay Muntinlupa Fire Marshall Supt. Gilbert Dolot kinilala ang naarestong suspect na si Michael Cabalquinto, nasa hustong gulang ng Purok 13 Sitio Pag-asa Brgy. Alabang nang na­sabing lungsod.

Bugbog sarado naman sa taumbayan si Cabalquinto matapos na sadyain sunugin ang kanyang bahay nang mabur­yong sa kanyang asawa.

Lumalabas sa ulat ng pulisya na alas-5:32 ng hapon nang sunugin ng suspect ang kanilang bahay na kung saan mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit bahay na pawang gawa lamang sa light materials.

Lumalabas sa imbestigasyon na gumamit umano ng ipinagbabawal na gamot ang suspect at nag-away sila ng mag-asawa hanggang sa naburyong ito at sinunog ang kanilang bahay.