Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 27-anyos na la­laki matapos itong tumalon mula sa itaas ng tower na kinalalagyan ng billboard ng isang supermarket sa Lipa City, Batangas Linggo nang madaling-araw.

Kinilala ng Lipa City police ang nasawing biktima na itinago sa pangalang Shiro, production operator at resi­dente ng Levi Town Subdivision, Brgy. Marauoy.

Sa report ng Lipa City police, nakita na lamang na nasa tuktok ng may 40 feet na taas na tower ng S&R supermarket ang biktima dakong alas-4:45 nang umaga.

Sa kabila ng pagpigil ng mga nasa ibabang security guard, tumalon pa rin ito at diretsong bumagsak sa sementadong kalsada.

Agad itong sinugod sa Lipa Medix Medical Center subalit dineklara na itong patay dahil sa tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Ayon sa mga kaanak, dumaranas ang biktima ng matinding depresyon na siyang dahilan kaya winakasan nito ang kanyang buhay. (Ronilo Dagos)