Pisak ang mukha at katawan ng isang basurero na hinihinalang biktima ng ‘hit and run’ na makailan ulit pang nasagasaan ng mga sasakyan sa ilalim ng isang flyover sa Makati City, kahapon ng umaga.
Patuloy na inaalam ng Makati City Police ang pagkakakilanlan ng biktima na tinatayang 25 hanggang 30-anyos, may katamtaman na pangangatawan at nakasuot ng kulay itim na T-Shirt at short.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-5:30 ng umaga ng matagpuan ang bangkay ng biktima sa ilalim ng Magallanes flyover ng naturang lungsod.
Hinala ng pulisya, basurero ang biktima at posibleng nangangalakal ito ng mga basura sa lugar nang maganap ang insidente
Sinabi pa ng mga awtoridad na nasagasaan ito at biktima ng hit and run. Ang masaklap ay makailang ulit itong nasagasaan at nakaladkad pa ng ilang mga dumaraan na sasakyan sa lugar kaya’t napisak ang mukha at katawan.
Sa ngayon ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes habang nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at bubusisiin ang nakalagay na close circuit television (CCTV) camera kung nahagip ang insidente.
Nanawagan naman ang mga tauhan ng Makati City Traffic Bureau sa sinuman na nakasagasa sa lalaking basurero na makipag ugnayan sa kanilang tanggapan upang mabigyan naman ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.