Kung reklamo ang bibilangin, malamang walang magandang nagawa si dating Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III, kabaliktaran sa tunay na nangyari kung paano isinailalim sa rehabilitasyon ang mga lalawigan o bayan na tinamaan ng kalamidad, mapa-lindol, bagyo o pagbaha.

Bitin ang isang taon upang maumpisahan ang malawakang rehabilitasyon sa mga lalawigang tinamaan ng bagyo at lindol, katulad sa sinapit ng Cagayan de Oro, Davao Oriental, Leyte, Samar at Bohol.

Sa loob ng isang taon, nailatag ng Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR) ang Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan — patotoo kung gaano kaseryoso at kasinsero si PNoy maibangon ang mga pamilyang winasiwas ng bagyong Yolanda, Sendong, Pablo at lindol.

Naglaan ng P167.9 bilyon ang administrasyong Aquino para isailalim sa rehabilitasyon ang Kabisayaan, maging Cagayan de Oro at Davao Oriental naibalik ang sigla ng negosyo at kabuhayan sa maikling panahon matapos wasakin ng bagyong Pablo at Sendong, maging ang mga taga-Bohol na niyanig ng malakas na lindol.

Sa pamamagitan ng programang “Build Back Better” ni PNoy, naumpisahan ni senador Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang dating pinuno ng OPPAR ang rehabilitasyon sa Kabisayaan at mabilis ang pagtugon sa pangangaila­ngan ng mga residente na mismong United Nations (UN) ay bumilib sa diskarte ng pamahalaan.

Hindi biro ang bigat ng problemang nakaatang sa balikat ng OPPAR, Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Disaster, Risk-Reduction Management Council (NDRRMC) at local government units (LGUs) sa tuwing nagbabadya ang bagyo, matinding pag-ulan, pagbaha at siyempre ang kinakatakutang lindol o pagguho ng lupa.

Kung numero ang pag-uusapan lalo pa’t merong local official ang hindi marunong mag-appreciate sa tulong ng Malacañang, humigit-kumulang 18 libong permanent housing units ang naipatayo at “na-rehab” sa Yolanda-affected areas, hindi pa kabilang ang 43 libong permanent housing units na kasalukuyang itinatayo ng pamahalaan.

Noong 2015, humigit-kumulang 23 libong permanent homes ang naitayo at naipamahagi sa mga pamilyang biktima ng bagyong Pablo at tinatayang 47 libong pamilyang nasa safe zones ang nakatanggap ng financial assistance at materyales mula sa pamahalaan.

Sa pananalasa ng bagyong Sendong, libu-libong pamilya ang nawalan ng tirahan subalit hindi nagpabaya ang pamahalan kung saan humigit-kumulang 10 libong nasirang bahay ang muling ipinagawa  at mahigit anim na libong pamilya ang inilikas o nabigyan ng permanenteng tirahan sa mga lugar na ligtas sa anumang kalamidad.

Bagama’t mabilis ang pagkilos ng pamahalaan kahit limitado ang resources sa ilang bagay, nariyan pa rin ang paninisi at reklamo ng ilang opsiyal na sadyang naka-ugalian ang magturo at ibaling sa national government ang kanilang pagkukulang para makaiwas sa paniningil ng mga nasasakupan.

Ang magandang napatunayan lamang, matagumpay ang rehabilitasyon sa ilang lalawigan, katulad sa Cagayan de Oro at Davao dahil nakikipagtulungan ang mga local officials sa Malacañang — hindi nagbibilang ng mga nagawa at hindi ibinabaling ang tingin sa iba kapag nasisisi sa kanilang kapalpakan. Mabuti pa nga ang tinamaan ng bagyong Yolanda, “na-rehab”, ewan lang ang ugali ng opisyal?

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)