NA-WOW MALI SA ‘T’

CLEVELAND (AP) -– May kakaibang nangyari na naman kay Draymond Green sa Game 4 ng NBA Finals kahapon.

Inakalang ejected na siya sa laro, pero nanatili sa court si Green nitong Biyernes nang sabihin ng game officials na ang una sa dalawang technical fouls na tinawag sa kanya ay para pala kay coach Steve Kerr.

Tumapos si Green ng 16 points at 14 rebounds pero natalo ang Warriors 137-116 sa Cleveland Cavaliers. Hindi nakumpleto ng Golden State ang 16-0 postseason sweep, tapyas ang lead nila sa 3-1.

Sinapawan ng kanyang technicals – isang tinawagan at isang hindi – ang shooting at rebounding niya.

“Some things just never change, right?” tanong ni Green.

Isang taon matapos masuspinde sa Game 5 na nagsindi sa collapse ng Warriors, nasa gitna ng kakaibang eksena na naman ang maingay na forward.

Mukhang ejected na si Green nang matawagan ng technical na inakala ng lahat ay pangalawa na niya 6:18 pa sa third quarter. Ipinaypay niya ang kamay sa official dahil sa pagkadismaya nang matawagan ng foul kay Kevin Love at nabagsakan ng T.

Dapat, automatic ejection na agad ang kasunod.

Pero nanatili sa court si Green, sinabi ng referees na ang technical na itinawag nila pagkatapos ng foul ni Green 1:55 sa first ay para kay Kerr – bagama’t sa official box score ay nakalista ito kay Green. Hindi na-correct ang error.

Pagkatapos ng laro, binundol ni Green ang Believeland.

“I really don’t pay that much attention – I don’t pay much attention to anybody in Cleveland honestly,” buwelta niya.

Pati si Kerr, inakalang kay Green ang first T at inisip na palalabasin na ang kanyang power forward pagkatapos ng isa pang T sa third.

Pero hindi natinag sa floor si Green. Alam na raw niyang ang unang T ay hindi sa kanya.

“I knew because the first tech on Steve, which I didn’t understand, Mike Callahan came up to John (Goble) and asked him who was the tech on and he said Kerr,” paliwanag ni Green. “So I knew I didn’t have a technical foul, but still trying to figure out why did I get the second one.”

Pinalitan ang box pagkatapos ng third quarter, kay Kerr na binigay ang unang tech.

Inamin ng officials pagkatapos na hindi nila naayos agad ang sitwasyon.

Sa Game 4 noong isang taon, nasikmuraan ni Green si LeBron James at nabigyan ng flagrant foul. Sa dami ng naipon niyang flagrant fouls, suspen­dido siya sa Game 5, napakawalan ng Warriors ang tsansang isara ang series, at natalo sa seven games.

Inalat nitong Biyernes ang Warriors, pero may good news sila.

“Thank God I get to play on Game 5,” lahad ni Green.