Isinailalim na sa imbes­tigasyon ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang piloto ng Saudia Airlines Flight SV 872 na galing Jeddah, Saudi Arabia kasunod ng umano’y hijacking incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kahapon ng hapon.

Sinabi ni MIAA Ge­neral Manager Ed Monreal, false alarm lamang ang napaulat na na-hijack ang eroplano.

Ayon kay Monreal, nagkamali ang piloto ng Flight 872 sa pagpapadala ng distress call.

Sinabi ni Monreal na 20 milya bago lumapag sa NAIA ay nagpadala ng distress call ang piloto sa Manila Air Traffic Control.

Dalawang beses na ipinadala ng piloto ang distress call kaya bumuo ng crisis committee ang MIAA.

Inatasan ang Flight 872 na lumapag sa Runway 06 ng NAIA para ma-isolate ito at kaagad nag-deploy ng PNP Anti-Hijacking Unit maging ang Aviation Security Group at emergency vehicles sa paliparan.

Pero nang inakyat ang eroplano, sinabi ni Monreal na umamin ang piloto na nagkamali lang ito sa pagpindot ng distress call.

Alas-2:30 ng hapon lumapag ang Saudia Airlines sa NAIA ngunit da­lawang oras na pinatigil ang mga pasahero sa loob ng eroplano bago ang mga ito sinimulang pababain.

Ang Saudi Arabian flight SV872 na pawang mga Oversaeas Filipino Workers (OFW) at pilgrimage mula sa Mecca ang lulan na galing sa Jeddah, Saudi Arabia na lumapag pasado alas-tres ng hapon at inilagay ito ng airport security sa Plan 4, na maaring may nagaganap umano ng highjacking sa loob ng eroplano.

Ayon naman sa mga sakay na pasahero nagtataka umano sila kung bakit humimpil sa tabi ng runway ang kanilang sinasakyan at biglang nagtakbuhan ang mga cabin crew.

Dinagdag pa ng mga ito na naging kalmado naman ang mga kasamahan nilang pasahero.
Ganunpaman, isa-isang sinuri ang kanilang mga passport.

Sa statement naman ng Saudia Airlines, nagkamali raw ang kanilang piloto sa pagbibigay ng signal na mayroong hijacking sa eroplano.

One Response