Dahil sa pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo sa operasyon ng pulisya kontra iligal na droga sa Caloocan City ay naalarma ang publiko, gayundin ang ilang mambabatas.

Matagal-tagal ding nanahimik ang taumbayan at maging ang mga mambabatas sa war on drugs ng gobyernong Duterte.

Sa katunayan sa kabila ng kaliwa’t kanang patayan at kahit dose-dosenang napapatay sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad ay walang pag-alma ang taumbayan.

Pero sa pagkamatay kamakailan ng Grade 11 student na si Kian delos Santos ay marami ang umalma. Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya sa ginawang operasyon dahil sa umano’y lumalabas na “frame-up” ang pangyayari.

Hindi pa malinaw ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Kian dahil may kani-kaniyang bersyon ang dalawang panig pero ipinatupad na ang suspensyon sa tatlong pulis na nasa likod ng kaawa-awang senaryong sinapit ng binatilyo.

Ang sa amin, hindi talaga maiwasang may umalma sa serye ng operasyong isinasagawa ng mga awtoridad lalo na’t hindi tama ang ginagawang pagpapatupad ng batas.

Hindi sa buong giyera kontra iligal na droga ay mananahimik ang taumbayan kung lantaran ang paglabag sa proseso ng paghuli ang gagawin ng mga awtoridad.

Wala tayong tutol sa maigting na kampanyang ito ng pamahalaan, yaman lamang ang ating apela ay idaan sa tamang proseso at higit sa lahat ay daanin sa mapayapang paraan hindi kailangang may dumadanak pang dugo dahil kaawa-­awa ang mga inosenteng nadadamay sa giyerang ito kontra iligal na droga.

Aanhin natin ang tagumpay na iyan kontra iligal na droga kung marami ­namang inosenteng sibilyan ang nadadamay?