Nababasag ba ang puso?

Pebrero na naman, namumula ang mga disenyo at display sa paligid dahil binansagan na love month itong buwan na ito. At dahil pag-ibig ang madalas na topic­, ang puso ang na­ging simbolo ng buwan na ito kaya ito ang tinanong sa atin ng ating follower. “Doc, kamakailan lang ay nag-break kami ng boyfriend ko, nga­yon pang malapit na Valentine’s Day. *%&+àé=ç (di maaring sabihin). Masakit po nararamdaman ko sa dibdib. Talaga po bang nababasag ang puso? Gagaling pa ba ako? Sana masagot ninyo mga tanong ko.”

Sa totoo lang, hindi naman tunay na nababasag ang puso ngunit mayroong tinatawag na Broken Heart Syndrome. May mararamdamang pisikal na kirot sa dibdib, ‘di kinakailangan sa kaliwa kung nasaan talaga ang puso, o kung minsan ay umaabot sa tiyan o sikmura. Ang tawag dito ay angina. Nasasamahan din ng hindi regular na tibok ng puso o tinatawag na arrhythmia. Maaari ring magkaroon ng ikli o shortness o hirap huminga. Kadalasan dahilan ng lahat ng ito ay nagmumula sa emotio­nal stress, gaya ng hiwalayan, o sa pagkamatay ng mahal sa buhay. Kung tumindi ang surge ng mga stress hormone sa katawan, nagiging delikado rin ito kahit walang tunay o da­ting karamdaman ang puso. Karaniwan ay tumatagal ang mga sintomas ng apat na buwan. Sa kalaunan ay humihilom naman. Mas madalas mangyari ito sa kababaihan kaysa sa mga kalalakihan.

May mga maaaring gawin para mapabilis ang pagga­ling dito. Ang una ay tanggapin ang katotohanan. Hindi kinakailangang magkaroon ng panibagong relasyon pero maging malaya muli. Sunod ay alamin at ilista ang mga magagandang katangian, managinip at mangarap. Kasama sa listahan ang mga mabubuting asal at masasama, para maayos ang hinaharap. Tumulong sa kapwa. Maski papaano ang pagtulong ay makakagaan ng loob. Tumawa o umiyak, nang mailabas ang emosyon. Puwede ring mag-ehersisyo. Itakbo, ilaro o ilangoy upang ang ener­gy ay mailabas. Kung ang mundo ninyo ay maliit, gumawa ng panibagong mundo. Maghanap ng ibang interest nang sa ganoon hindi magkatagpo ang inyong landas. Maghanap ng bagong hobby o ;di kaya mag-alaga ng pet. Sa kahulihan, maghanap ng pag-asa. Lahat ay panandalian at maraming-marami pa ang mga posibilidad sa hinaharap.

Sa masakit na nadanas o hirap na naramdaman, iisa lang ang maidadagdag ko. Huwag matakot umibig muli. Maaaring hindi natin malilimutan ang nakaraan ngunit gawin natin itong aral nang makaramdam muli ng kasiyahan at pag-ibig. Hanggang sa susunod na Huwebes!
***
J. Rylan G. Flores, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profile­r, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talaka­yan (medical at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing Linggo, 11am-12nn). Sundan sa Twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.