Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang lalaki makaraang magmistulang sandwich sa pagkakaipit ang katawan nito nang mabagsakan ng container van sa North Harbor, Manila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni SPO4 Glenzor Vallejo, may-hawak ng kaso ang biktima na si Jade Dionson, 20, binata, deck apprentice at tubong Cambilog, Talamban, Cebu City.

Nasa kostudiya naman ng MPD-Homicide Section ang suspek na si Fidel Lague y Tolong, 59, may-asawa, driver ng tractor head at residente ng Barangay Bulao, Ipunan, Cagayan de Oro City.

Sa imbestigasyon, dakong alas-11:05 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Weather/Upper Deck ng Super Shuttle RORO II, sa Pier 10 Berth 3, North Harbor, Maynila.

Sa salaysay ng testigong si Francis Casinillo, inaalis umano ang me­tal chain na nakakonekta sa container van nang marinig niya ang biktima na tila humahangos.

Nang balikan nito ang biktima ay dito na napansin na bumagsak na ang biktima at nakahandusay.

Dito na sinabihan ni Casinillo si Lague na umabante dahil naipit ang biktima sa pagitan ng combo chasis na 40 foo­ter container van.

Nagtulung-tulong para maialis ang biktima sa pagkaipit at isinugod sa Mary Johnston Hospital, ngunit idineklara itong dead-on-arrival.