Nakaligtas sa kapahamakan ang isang dalagita makaraang mabangga ng isang tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Tondo, Manila.
Ayon sa Manila Police District, tanging galos at gasgas lang sa katawan ang tinamo ng 15-anyos na dalagita kung kaya’t isang himala ang nangyari rito.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang aksidente sa Tayuman station kung saan papatawid ang biktima habang karga ang kapatid nito sa riles ng tren nang hindi nito mapansin ang paparating na tren.
Dito ay nasapul ang biktima ng mabagal na takbong tren subalit tumilapon ito ng ilang metro at nawalan ng malay-tao habang ang kapatid nito ay wala namang tinamong sugat.
Ngunit makalipas ang ilang minuto ay bigla itong nagkamalay at tanging mababaw na mga sugat lamang ang tinamo nito.
Inamin ng biktima na hindi nito napansin ang pagdating ng tren dahil sa may nakalagay sa magkabilang tenga nito na earphone ng cell phone.