Nabuhay ang masasamang-loob

Naghahasik na naman ng kasamaan ang ilang grupo na ang layon ay magkamal ng salapi gamit ang Marawi crisis.

Mismong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tinangkang hiritan ng donasyon para umano pantulong sa Marawi crisis.

Dahil opisyal mismo ng DPWH ang tinangkang kikilan ay nabuking ang masamang layunin ng grupo at naging daan para magpaalala si Senior Undersecretary Rafael Yabut na wala silang kinalaman sa ‘Donation for Marawi Crisis’ scam.

Paglilinaw pa ng DPWH official, wala rin silang tauhan na nangangalampag sa mga contractor, supplier, consultant o negosyante upang humingi ng pera para sa ginagawang rehabilitasyon sa Marawi.

Mabuti at naging maagap ang DPWH sa pagbibigay-linaw sa ganitong klaseng usapin upang hindi na makapambiktima pa ang mga nasa likod ng kalokohang ito.

Naniniwala kaming hindi magtatagum­pay ang masamang hangarin ng mga nasa likod ng scam na ito kung ipagbibigay-alam agad natin sa mga kinauukulan ang sinumang malalaman nating sangkot sa panghihingi ng donasyon gamit ang nangyaring krisi­s sa Marawi City.

Hindi masamang tumulong pero ang sa amin laman­g ay ang tunay na mga nangangailangan sana ang ating pagkalooban ng tulong at hindi iyong mga nagpapanggap lamang na nangangailangan lalo na ang mga gumagamit sa mga krisis o kalamidad para lamang makapangalap ng mas malaking halaga.

Nais din nating manawagan sa gobyerno na magin­g maagap sa pagpapalabas ng anunsyo sa ganiton­g klase ng panloloko upang maagapan ang masamang hangarin ng ilan nating kababayan at maiiwas ang ating mga kababayan na maging biktima.