Nasibak ang isang opisyal ng isang istasyon ng pulisya at mga tauhan nito dahil sa reklamong pagtatago ng mga drug suspects sa isang tagong selda sa Lungsod ng Maynila.
Hindi lamang pagtatago sa isang sikretong selda ang ibinabato sa mga sinibak na opisyal at mga tauhan ng pulisya kundi inaakusahan din ang mga ito ng pananakit at pangingikil.
Dahil sa sumbong at naghuhumindig na ebidensyang nakita nang nag-inspeksyon na mga tauhan ng Commission on Human Rights (CHR) ay kagyat na pagsibak sa mga inaakusahang mga awtoridad ang iniutos ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Oscar Albayalde.
Kasunod nang pagsibak ay may ilan sa mga drug suspects na naunang nagreklamo ang kumambiyo at tumanggi na sa naunang ginawang akusasyon sa mga pulis.
Hindi natin alam ang tunay na dahilan nang pagbawi ng akusasyon ng mga drug suspects. Sila lamang ang nakakaalam ng lahat.
Pero ang sa amin, sayang naman ang pagpupursigeng ginawa ng CHR para isalba kayo sa kung anumang kapahamakang inyong kinasadlakan kung sa isang iglap ay magbabago kayo ng posisyon?
Nakakabahala na dahil sa tila pagbago ng tono ng ilang drug suspects na naunang nagreklamo laban sa mga kinakaladkad na mga pulis-Maynila ay mababalewala ang kaso laban sa mga ito.
Kaya nga ba maraming kasong inilalaban ang CHR ang hindi nagtatagumpay dahil sa kawalan ng suporta ng mga nagrereklamo.
Mabuti na lamang at nadokumento ng CHR sa kanilang ginawang inspeksyon ang ilang salto sa tamang paghawak sa mga bilanggo kaya kahit papaano ay aarangkado ang kaso.
Ang hangad na lamang natin ay mahimasmasan sana ang mga naunang lumutang na nag-aakusang may pag-abuso, pangingikil na nangyari sa kanila upang gumulong naman ang kaso at hindi maiwan sa ere ang CHR.