Naburyong sa gutom, factory worker todas

Hinihinalang matapos maburyong makaraang dalawang araw nang hindi kumakain, nasawi ang isang 32-anyos na factory worker nang barilin ng awtoridad bunsod ng paghuhuramentado nito sa Carmona, Cavite.

Idineklarang dead on arrival sa Pagamutan ng Carmona ang suspek na si Efren Mituda, taga-9300 JM Loyola St., Brgy Maduya, Carmona, Cavite dahil sa reklamo nina Ralph Albas, 23, factory worker; Jose Sta Marina, 49, security guard; Larry Napitri, 31, factory worker at Dexter Delos Santos, isang salesman, at pawang residente ng 9300 Lebrudo compound, JM Loyola St., Brgy Maduya, Carmona, Cavite.

Sa ulat ni PSSgt Ritchie Ines, ng Carmona Municipal Police Station, alas-4:40 ng Martes ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Carmona MPS hinggil sa umano’y paghuhurementado ng isang lalaki sa 9300 JM Loyola St., Brgy Maduya, Carmona, Cavite.

Nang respondehan ng pulisya, naabutan nila ang live-in partner ng suspek na si Wendy Suvillaga, 32 at iba pang biktima na sugatan habang ang suspek ay may hawak na tubo at kutsilyo at sinusugod ang mga kapitbahay nito.

Tinangka nina Corporal Reymark Gipit at Pat Joseph Melican, kapwa sa Carmona MPS na kausapin at pahupain ang suspek subalit imbes na tumigil ay tinangkang atakehin ang mga ito dahilan upang gumanti si Gipit at paputukan ito na tinamaan sa tiyan.

Isinugod ang mga biktima at ang suspek subalit namatay ang huli habang ginagamot.

Ayon kay Ines, bago nagwala ang suspek ay dalawang araw na umano itong hindi kumakain na hinihinalang dahilan ng kanyang pagkaburyong bagama’t hindi naman nabatid kung ano pa ang naging problema ng suspek. (Gene Adsuara)