Hindi natuloy ang classic match-up sana nina Roger Federer at Rafael Nadal sa semifinals ng Indian Wells Masters.

Nag-quit si Nadal sa kanilang semifinals match kahit pa nasa venue na si Federer ilang oras bago ang napurnadang laban.

“I warm up today in the morning, and I felt that my knee was not enough good to compete at the level that I need to compete,” eksplika ni Nadal, sinabing wala sa kondisyon dahil sa knee injury.

Nadiskaril ang tuhod ng Spanish netter matapos ang second set sa pagharap kay Karen Khachanov sa quarterfinals. Nilagyan na lang ng tape ang tuhod ni Nadal para maibsan ang sakit ngunit halata ang iniindang kirot.

Ipinabatid naman ni Federer ang kanyang pagkadismaya dahil sa biglaang pag-atras ng karibal, hindi rin aniya siya lubusang masaya sa pagtungtong sa finals dahil sa nangyari.

“It’s a big letdown,” ani Federer sa harap ng mga fan. “I know the anticipation is there from the crowd and also us players. I’m excited to be in the finals but not this way.”
Ito na sana ang ika-39 na pagtutuos nina Federer at Nadal.

“I know every one we have now could be our last,” hirit Federer. “It’s a special rivalry, maybe the most special with Rafa and Novak (Djokovic).”

Makakaharap ng ATP ranked 4th na si Federer sa finals ang isang rising tennis star na si Dominic Thiem na kinalos si Milos Raonic, 7-6 (3), 6-7 (3), 6-4.