Nadal hindi techie

Nabuko na hindi pala techie si Rafael Nadal, nangapa nang makipag-chat sa mga kapwa-tennis great na sina Roger Federer at Andy Murray.

Tengga rin ang tennis tournaments dahil sa coronavirus disease 2019, sa Instagram Live muna nagtsikahan ang mga ito.

Pinasimulan ni Novak Djokovic ang trend noong Biyernes nang makipag-one-on-one live kay Murray, kinabukasan ay kay Stan Wawrinka naman.

Halatang hindi gumagamit ng social media tools si Nadal, nahirapang kumonekta kay Federer. Nasa kanyang bahay sa Spanish Island Mallorca si Nadal.

Sa kasagsagan ng usapan, binitawan ni Federer ang matagal na raw gustong itanong kay Nadal: Kung kanan ang Spaniard, bakit kaliwa ang hawak nito ng raketa?

Lahat aniya ng ginagawa ni Nadal – mula shooting ng basketball hanggang pagsulat – ay kanan ang gamit. Pero kaliwete kapag naglalaro ng tennis o soccer. Nilinaw lang niya na noong nag-uumpisa sa laro, dalawang kamay kung hawakan niya ang raketa sa mga forehand at backhand.

Hindi rin makapag-ensayo ang players dahil sa COVID-19, posibleng tumagal pa ang suspension ng professional tennis hanggang July.

Huling humawak si Nadal ng racket noong Indian Wells tournament sa California na itinigil noong March.

“Perfect,” biro ni Federer. “You won’t be able to play tennis anymore when you come back.”

Lakas ng tawa ng Spaniard.

Higit 50,0000 viewers ang nailista sa first 5 minutes ng usapan.

Nalito na naman si Nadal nang subukang ayain si Murray.

“Andy, where are you, man?” tanong niya, salubong ang kilay.

“I’m going crazy with this,” bulalas ni Nadal nang mag-join na si Murray, nasa London lang daw at mukhang nakahiga.

“It was very amusing watching you,” pang-aalaska ni Murray habang pindot nang pindot si Nadal sa kanyang gadget.

Sa isang eksena, nawala sa screen si Nadal, ang nakikita lang ay ang laptop screen na puno ng kanyang fingerprints.

Nang tapusin na ang 30-minute session, nagpaalam at nagpasalamat si Nadal sa viewers pero bigla siyang na-cut. (VE)