Kumalas si world number one Rafael Nadal sa kaniyang puntiryang season opener para sa exhibition event sa Abu Dhabi dahil sa pinag-aalalang kondisyon sa kalusugan tatlong linggo bago ang Australian Open.
Napuwersang hindi sumali si Nadal, 31, sa 2017 season-ending ATP Masters noong nakaraang buwan sanhi ng injury sa tuhod matapos ang makalaglag-bagang season sa likod ng mga panalo sa French at US Opens.
“It was a tough 2017 and I need to take my calendar in a different way in order to be ready,” daldal ni Nadal sa Mubadala World Tennis Championships website.
“For this reason, I have sadly announced to the organizers and now to you fans that I won’t play this time in Abu Dhabi,” panapos niya.
Napaulat din na hindi ituloy ni Nadal ang kaniyang plano sa takdang pag-eensayo sa kaniyang tinubuang Mallorca ngayong linggo para humiling ng atensiyong medikal sa Barcelona dahil sa aberya sa kaniyang tuhod.
Pero plano pa rin ni Nadal na hatawin ang 17th Grand Slam sa kaniyang karera sa Melbourne sa susunod na buwan.
Pinalitan ang tenistang Espanyol ng kababayang si Roberto Bautista Agut para sa six-man UAE event sa loob ng tatlong araw sa Disyembre 28-30.