Isang 29-anyos na helper ang sugatan matapos saksakin ng lalaking pinatayan umano nito ng ilaw habang nag-iinuman sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktimang isinugod sa Gat Andres Bonifacio Medi­cal Center (GABMC) dahil sa tatlong tama ng saksak na si Charlie Mendoza ng 439 Wagas St., Tondo, Maynila habang tumakas ang suspek na nakilala sa alyas na Jepoy, may taas na 5’.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Paul Vincent Barbosa II, ala-una ng madaling-araw nang mangyari ang pananaksak sa may Plaza Leon Hernandez kung saan ay natutulog umano ang ­biktima sa gilid ng street food stand na pinagsisilbihan nang tanggalin nito ang switch sa saksakan dahil nababasa na ikinagalit ng nakikipag-inumang ­suspek dahil nawalan sila ng ilaw.

Sinita ng suspek ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo at pananaksak ng suspek.