Nadine enjoy sa dilig

NI: ARCHIE LIAO

Hindi pera ang source of pride ngayon ni Nadine Lustre, kundi ang kanyang musika.

Katunayan sa live streaming sa panayam sa kanya ni Tim Yap, inamin niya na ang songwriting ang kanyang pinagkakaabalahan at kumukunsumo ng kanyang oras sa panahon ng lockdown.

Isa raw sa natutunan niya sa pag-stay sa bahay ay ang magkaroon ng kumpiyansa sa kanyang musika.

Dati-rati kasi,dinadaig daw siya ng takot dahil kulang siya sa tiwala sa sarili kaya hindi niya masyadong naipu-push ang kanyang talento sa songwriting.

Noong lockdown, marami raw nabuksang oportunidad para sa kanya kaya ang dami na niyang na-compose na songs.

Lumawak din daw ang kanyang bokabularyo pagdating sa musika.

Hindi raw naman pang-obra ang level ng kanyang mga komposisyon, gayunpaman proud siyang sabihing ang lahat ay tagos at hinugot sa kanyang mga karanasan.

Nakatulong din daw ang personal na espasyo niya para malinang niya ang kanyang musika.

Aminado rin siya na malaking impluwensiya ang ex na si James Reid sa kanyang musika dahil sa kanilang naging kolaborasyon.

First time rin daw niyang mamuhay ng solo sa kanyang condo na malapit sa isang mall.

Enjoy raw siya na siya ang naggo-grocery ng kanyang mga pangangailangan.

Pati na ang routine niyang diligan ang kanyang mga halaman sa patio tuwing gumigising siya.

Nagca-cardio rin daw siya at nagluluto ng kanyang meals everyday.