Ni Nonie Nicasio

Aminado si Kitkat na nagi-enjoy siya kapag gumaganap na kontrabida. Ito ang ipinahayag sa amin ng aktres sa kanyang live guesting last Wednesday sa Abante Tonite online show na ‘Tambayan ng Tsika Tonite’ .

Inusisa namin ang Kapamilya comedienne kung sino ang aktres na gusto niyang api-apihin or gusto niyang masampal?

Sagot ni Kitkat, “Masampal, hindi naman pero gusto kong maging kontrabida.”
Pero, kanino niya gustong maging kontrabida between Kathryn Bernado, Liza Soberano, at Nadine Lustre?

“Oh my God!” Nakangiting reaction ni Kitkat.

Pagpapatuloy niya, “Sina Kathryn at Liza, ano eh, parang ang hirap naman… bukod sa siyempe mga ka-close ko ang mga ‘yan, ate-ate talaga nila ako, kaya parang ang hirap naman nilang tarayan, awayin.

“Kasi kapag nagmamaldita ka sa role or kailangan mong saktan, talagang totoong sakitan po iyon. Totoo po yung sakitan, totoong sampalan.

“So, siguro dahil hindi pa kami nagkatrabaho din naman ni Nadine, yung dalawa kasi bukod sa pagkabata magkakasama na kami niyon, eh. Pero si Nadine, hindi ko pa nakatrabaho, sa raket pa lang, so siguro si Nadine ang gusto kong apihin.

“Kasi si Nadine, di ba may strong personality din si Nadine, so parang mataray din siya sa role? Pero kunwari ako yung magtataray, parang ang sarap gawin niyon eh, ano?

“Gusto ko kasing makita kung paano magiging kalalabasan, kasi parehong strong persona-lity kami, ‘di ba? Kung paano siya magre-react sa pagtataray o sa pang-aapi sa kanya. At saka siyempre hindi siya makaka-react (na mataray), dahil siya yung dapat api-apihan, yung api-apihang bida,” mahabang esplika pa ni Kitkat.

Pahabol pa niya, “Ang nakakatawa roon, gusto ko kapag nagre-react yung mga fans, eh. Iyong aawayin ka sa social media… pero role lang po talaga yun.”
“Kagaya noong nag-Ipaglaban Mo ako. Lahat ng mga OFW nagalit sa akin, kasi OFW yung kuwento. Ilang take yung sampal ko kay Yen Santos, dahil ilang shots, ilang angle… si Yen Santos, bugbog talaga sa akin, eh. Kasi, sumakit din yung kamay ko kaya alam kong masakit din talaga yung sampal ko sa kanya.

“At talagang inaway rin ako ng mga tao na kapag nakita ako, tatampalin ako. Kaya sabi ko, ‘Ay ang galing ko umarte roon, ah.’ Kumbaga effective, pero role lang po yun,” nakangiting diin ni Kitkat na very soon ay ila-launch din na endorser ng isa sa produkto ng Beautederm na pag-aari ni Ms. Rhea Tan.