Makaraang malaman na may global positioning system (GPS) at sa takot na rin na masundan sila ng mga pulis, minabuting abandonahin ng apat na karnaper ang ninakaw nilang van at iwan sa bakanteng lote sa Navotas City, kamakalawa.
Bandang alas-11:00 ng gabi nang matagpuan ng Pasay at Navotas Police ang Toyota Hi-Ace van (A2Q-662) na nakarehistro kay Chen Houfa sa Santillan St., Brgy. San Jose, Navotas City.
Bago natagpuan ang sasakyan, minamaneho umano ito ng driver na si Amerodin Guiamputo, 35, naninirahan sa San Nicolas, Bacoor Cavite.
Pagsapit sa Macapagal Avenue corner Gil Puyat Avenue, Pasay City, tinutukan siya ng baril ng apat na lalaki na naka-black jacket at naka-ski mask dakong alas-12:45 nang tanghali at inagaw ang minamanehong sasakyan.
Kaagad na nag-report si Guiamputo sa Pasay Police kung saan agad namang nagsagawa ng follow-up investigation sina PO3 Ryan Marcelo at PO1 Jankieth Candelario.
Dahil may nakakabit namang GPS sa van ay na-monitor ng mga pulis ang direksiyon ng apat na karnaper sa Navotas City. Nang matumbok ang kinaroroonan ay nakita ang sasakyan pero wala na ang mga suspek.
Hinala ng mga pulis, nalaman ng mga karnaper na may GPS ang ninakaw na sasakyan ngunit hindi nila alam kung paano ito alisin kaya minabuting abandunahin na lang. kesa sa maaresto ang mga ito.