Nag-alok ng P75M kill Duterte reward tiklo sa Cebu

Arestado ang 26-anyos na babae matapos umanong mag-post sa Facebook at nag-alok ng pabuyang P75 milyon sa sinumang makapapatay sa Pangulong Rodrigo Duterte sa Cebu City, noong Miyerkoles ng umaga.

Kakasuhan ng inciting to sedition ang suspek na si Maria Catherine Ceron, ayon kay PMaj. Roland Tolosa, deputy chief ng Criminal Investigation and Detection Group sa Central Visayas.

“This is not a joke! Fair warning to all citizens to avoid such post,” ayon kay Tolosa.

Si Ceron ay kasalukuyang nasa investigation group field unit sa Mandaue City, at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Magugunitang una nang nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang guro sa Zambales na nag-alok din ng P50 milyong reward sa makapapatay kay Duterte. (Dolly Cabreza)