Patay ang isang naghuramentadong lalaki nang mabaril ng rumespondeng barangay kagawad sa Balayan, Batangas.
Nangyari ang insidente kamakalawa ng tanghali sa Brgy. Lagnas ng nasabing bayan, matapos magwala ang nasawing si Teotimo Sanchez, na isinumbong ng kanyang misis na si Eliza Sanchez sa mga opisyal ng barangay matapos itong tangkaing tagain ng mister.
Nang dumating ang barangay chairman na si Andres Bautista at kagawad na si Dennis Mendoza ay agad silang inundayan ng taga ni Teotimo. Nang ikalawang ulit na silang sugurin ng nag-aamok na mister ay bumunot na ng baril si Mendoza at ipinutok sa katawan nito.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Teotimo habang agad na tumakas ang kagawad na nakabaril dito.