Malagim ang naging pagtitipon at pagsasalu-salo sana ng isang angkan matapos mag-amok ang isa sa pamilya at pagsasaksakin ang apat nitong kamag-anak kahapon sa Marikina City.
Nangyari ang krimen sa isang bahay sa Santa Teresita Village, Barangay Malanday bandang tanghali kung saan kakain na sana sa handaan ang pamilya nang bigla na lamang mag-amok ang isa nilang kaanak na itinago sa pangalang Jun at sa hindi pa malamang dahilan ay nanghalihaw na lamang ng saksak.
Napatay ang isa sa mga tiyuhin dahil sa dami ng tinamong saksak. Ang tatlo namang iba pang inatake ni Jun ay mabilis na isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at nakipagnegosasyon sa salarin pero kinandado nito ang pinto ng bahay.
Bunga noo’y puwersahang pinasok ng pulisya ang bahay kaya nahuli ang suspek at nasagip ang ibang kaanak.
Sa nakalap na ulat base na rin sa pahayag ng ilang kaanak, may problema sa pag-iisip si Jun na isinailalim na ngayon sa psychotic evaluation.
Nabawi kay Jun na nakadetine ngayon sa Marikina police ang ginamit nitong mga kutsilyo.
Tumanggi naman munang magkomento ang pamilya hinggil sa kakaharaping kaso ng nag-amok.