Dahil lamang sa saging, pinatay umano ng isang CAFGU (Citizen Armed Forces Geographical Unit) ang kapatid niyang lalaki at ang asawa ng huli na kanyang kapitbahay sa pamamagitan ng paghampas ng kahoy at pananaga sa kanila, sa bayan ng Pinukpuk, Kalinga noong Biyernes.
Kinilala ni Pinukpuk Police Station (PPS) commander Sr. Insp. Carlos Damagon ang suspek na si Rafael Madayag, 51-anyos, ng nasabing bayan.
Samantala, ang mga biktima ay nakilalang sina Basiano Madayag at asawang si Irene.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Damagon na nagkaroon ng pagtatalo ang magkapatid dahil kinuha umano ni Basiano ang bunga ng saging na pananim ng suspek.
Dahil dito, sa kanilang mainitang pagtatalo ay lumabas ang asawa ni Basiano na si Irene upang umawat.
Ayon pa kay Damagon, biglang kumuha ng matigas na kahoy ang suspek at pinaghahampas ang kapatid at asawa nito. Nang matumba ay saka naman pinagtataga ang mga ito hanggang sa mamatay.
Isinilid pa umano ng CAFGU ang mag-asawa sa sako at inilibing malapit sa bahay ng mga biktima.
Isusunod sana ng suspek ang 9-taong gulang na anak ng mga biktima na kanyang pamangkin ngunit nakatakbo ito, at siyang nagsumbong sa mga pulis.
Nahuli ang suspek sa isang checkpoint sakay ng pampasaherong jeepney habang papatakas ito.
Ayon sa PPS, inamin ng suspek ang krimen.
Sinabi naman ni Damagon na iniimbestigahan nila ang tunay na dahilan ng krimen dahil sinasabing alitan sa lupa ang ugat ng away nilang magkapatid.