Isang 29-anyos na call center agent ang bumigay sa sobrang init matapos maglaro ng basketball habang katirikan ng sikat ng araw sa Matnog, Sorsogon.

Heat stroke ang hinalang ikinamatay ng biktimang si Francis Silvia, 29-anyos, nagbabakasyon lamang umano sa nasabing bayan.

Base sa ulat ng Matnog Municipal Police Station (MPS), kasalukuyang nagbabakasyon ang biktima kasama ang mga kaibigan sa beach resort sa Barangay Calintaan ng nabatid na bayan ng maisipang maglaro ng basketball kahapon, pasado alas-10:00 ng umaga.

Habang nasa kalagitnaan ng laro, bigla na lamang umanong natumba ang biktima kaya isinugod sa ospital, subalit idineklara itong dead-on-arrival.

Samantala, kumbinsido ang pamilya na heat stroke at walang foul play sa pagkamatay ng biktima kaya hindi na ipina-autopsiya ang bangkay.