Umamin ang kilalang Pinoy boxing icon at senador na si Manny Pacquiao na natikman niya ang lahat ng klase ng droga noong siya ay teenager pa. Ngunit magkaganunman ay tiniyak nitong suportado niya si Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya nito laban sa iligal na droga.

“I tried drugs… many kinds of drugs, all kinds of drugs,” walang gatol na pahayag ni Pacquiao, na aniya pa ay tumagal din ng ilang taon bago pa siya naging ganap na kampeon sa boxing.

Kilalang kasangga ang pambansang kamao ni Pangulong Duterte at hindi umano alam ng huli ang karanasan nito (Pacquaio) sa droga at umaasa siyang hindi magkakalamat ang kanilang pagkakaibigan dahil sa kanyang pag-amin.

Idinagdag pa ni Pacquiao na ang Pangulo ay iti­nalaga ng Diyos upang disiplinahin ang mga Pilipino kaya kailangang igalang ang kapangyarihan nito.

“He always gives a chance to people who want to be changed,” ayon pa sa boksingerong senador nang kapanayamin sa kanyang tanggapan.

Sa alala pa nito ay may 15 taon na silang magkaibigan ng Pangulo at maraming tulong umano ang naibigay nito sa kanya sa promotion at maging sa pinansyal noong nagsisimula pa siya sa boxing.