Nag-iisang local college-owned FabLab 

Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang 1st Innovation Design Engineering and Art Fabrication Laboratory (IDEA FabLab) kamakailan sa Antipolo Institute of Technology (AiTECH), Sitio Cabading, Barangay San Jose.
Sa pagtutulungan ng AiTECH at Department of Trade and Industry (DTI) Region IV, ito ang kauna-unahan at nag-iisang FabLab sa buong bansa na pagmamay-ari at pinamamahalaan ng isang LGU.
Maaa­ring gamitin ang FabLab ng mga mag-aaral, private contractor, engineering at construction industry sa buong Rizal para sa pagdisenyo at pagbuo ng kanilang mga imbensyon at produkto gamit ang mga state-of-the-art equipment at facility na umabot sa P15M budget.
Ayon kay Mayor Ynares, buong puso ang pasasalamat ng pamahalaang lokal sa DTI at pamahalaang nasyonal sa walang tigil na pagsuporta sa Antipolo.
Aniya, hudyat umano ang sunod-sunod na inagurasyon ng mga pampublikong imprastraktura na patuloy ang pag-unlad ng lungsod tulad ng kamakailang pagbubukas ng 1st Public Peritoneal Dia­lysis Unit sa Antipolo.
Dagdag pa niya nalalapit na rin ang pagbubukas ng ika-4 na pampublikong ospital at ang pampublikong burulan sa Antipolo.
Isa sa mga naging panauhing pandangal at keynote speaker sina DTI Undersecretary Zenaida Maglaya, Rizal Vice Governor Reynaldo San Juan, Jr., Dr. Rennifer Francisco ng CHED, AiTECH President Dr. Erlinda Pefianco at DTI Rizal Provincial Director Mercedes Parreño.