Nag-isyu ng PH passport sa 177 Indonesians huhubaran

Hindi palalagpasin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-isyu ng Philippine passport sa mga Indonesian nationals kaya aalamin kung sino ang nasa likod nito.

Layon ng House Resolution (HR) 258 na inakda ni Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu na imbestigahan kung sino ang nagbigay ng pasaporte sa may 177­ Indonesians na nasabat kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nabatid na bibiyahe na sana ang mga Indonesians patungong Madinah, Saudi­ Arabia nang pigilan sila ng mga Immigration officials pati na ang 5 Filipino na kasamahan ng mga nito dahil sa paggamit ng Philippine passport gayong hindi mga Filipino ang mga ito.

Lumalabas na ginamit ng mga ­Indonesian ang quota ng Filipino sa Hajj pilgrimage dahil wala nang bakante sa quota na ibinigay sa Indonesia. Inilala­gay naman umano ng sinumang nasa likod ng pagbibigay ng pasaporte sa mga dayuhang ito ang Pilipinas sa ­panganib.