Binakbakan ng isang bilyonaryong congressman ang judge na nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) sa da­ting ipinairal na ban sa mga provincial bus na dahilan umano ng matinding pagsisikip ng trapiko sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Ayon kay 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, dahil sa na­sabing TRO na ipina­labas noong Hulyo 31, 2019 ni Quezon City Branch 223 Judge Ca­ridad Walse-Lutero na nag-aalis sa ban ng mga provincial bus sa EDSA ay mas lumala ang trapik.

“Bakit pa pinapa­tulan itong mga RTC eh because ba mas mara­ming pera sa atin ang mga bus liners?” tanong ni Romero sa ginanap na franchise hearing.

“Dapat kasama ito sa minumura ni Presi­dente. Because you know, pinapahirapan nila ang trabaho ng MMDA and of course, ‘yung implementation of the provincial buses na dapat sa dulo lang kaso ng EDSA, both sa north and south para ‘di ninyo i-clog ‘yung daloy ng trapiko sa buong EDSA,” sabi pa ni Romero.

Nanawagan ito kay Pangulong Rodrigro Duterte na ipatigil sa hudikatura ang ipinaiiral ng TRO sa rules and regulation ng MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa ban.

“Dapat sisihin natin sa traffic ‘yung nagbibigay ng injunction na ‘yan, whether sa Court of Appeals or RTC. Dapat ‘yan ang mukhang isisi natin sa traffic dito sa Metro Manila,” sabi pa nito.

Ang TRO ay isinampa ng Nagkakaisang Samahan ng Nanga­ngasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. at 16 pang ope­rator sa LTFRB Memorandum Circular No. 2019-001 at MMDA Regulation No. 19-002 kaugnay ng ban sa mga provincial bus sa EDSA.

Umaasa rin si MMDA General Ma­nager Jojo Garcia na ili-lift ang preliminary injunction na inis­yu ng QCRTC laban sa bus ban sa EDSA. (Lorraine­ Gamo)