Nag-mahjong sa kalsada; 13 Chinese kinalawit

Dinampot ng mga tauhan ng Makati City Police ang 13 Chinese national na nagsusugal ng mahjong sa isang kalsada matapos ireklamo ng mga residente dahil sa nililikhang ingay kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang inarestong sina Zhu Xiao, 30; Wang Pan, 26; Jiang Ming Yun, 28; Mai Jing Hua, 23; Lyu Wenan, 26; Wu Wen Wei, 26; Tian Hao Chen, 25; Huang Lin Yu, 25; Zhang Ling, 28; Li Yan Fang, 28; Cai Yan Hang, 25; Zeng Ying Yi, 25 at Ye Fan, 22 pawang taga-Barangay San Antonio.

Batay sa report ni Simon, ala-1:30 ng madaling-araw nang sala­kayin ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2 ang pasugalan sa may kanto ng Sampaloc at Kamagong St,. sa Brgy. San Antonio nang isumbong ng mga residente sa lugar dahil sa ingay at kaguluhan na dulot ng mga dayuhan sa loob ng 2 araw.

Inaresto ang lahat ng Chinese habang kinumpiska ang isang Mahjong table na may 120 tile, P8,280 pera na may iba’t ibang denominasyon, 14 cellular phone at iba pa. (Armida Rico)