Nag-Suicide sa LRT, may P.5M sa bag

Nasawi ang isang 47-anyos na lalaki makaraang tumalon umano mula sa Balintawak Station ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 sa Quezon City at lumagapak sa kalsada, Sabado ng tanghali.

Hindi na lamang pinangalanan ang biktima na sinasabing nakatira sa Cavite at magdiriwang umano ng kanyang kaarawan ngayong Linggo.

Nabatid na nagtatrabaho diumano sa isang money changer ang biktima.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-La Loma Station 1, nangyari umano ang hinihinalang insidente ng suicide alas-12:00 ng tanghali sa east side platform ng Balintawak Station southbound.

Ayon kina PEMS. Edwin Pineda at Pat. Lindon Baron ng Highway Patrol Group, nagpapatrolya sila nang maispatan ang biktima na tumalon mula sa nasabing istasyon ng LRT-1.

Mabilis na rumesponde sa insidente ang mga awtoridad at isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital sakay ng ambulansiya ng Metropolitan Manila Development Authority pero idineklara itong patay na ni Dr. Tetsuro Jake G. Hayose bandang ala-1:15 ng hapon.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, unang nakitang may kausap pa umanong babae ang biktima na tila nag-aaway at pagkatapos ay umakyat ito sa east side platform ng Balintawak Station saka bigla na lang tumalon.

Ayon naman sa ilang tindera sa lugar na nakasaksi sa pangyayari, unang bumagsak ang biktima sa ibabaw ng isang jeep na nagsasakay ng mga pasahero sa lugar bago tuluyang lumaga­pak sa kalsada.

Nakarekober ang mga awtoridad sa dalang bag ng biktima ng P.5 milyon na hinihinalang mula sa pinagtatrabahuhang money changer.

Patuloy pang iniimbes­tigahan ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit ang insidente. (Dolly Cabreza)