Nag-switch sa PHL flag-bearer

Pumarada ang Philippine delegation sa opening ceremonies ng 31st Summer Olympics nitong Biyernes sa Rio de Janeiro na si table tennis player Ian Lariba ang may hawak at nagwawagayway ng bandera ng bansa.

Pagpasok sa Maracana Stadium ay winawagayway ni Lariba ang bandera, pero paglagpas ng PHL team sa VIP Grandstand, nagkaroon ng switch.

Kinuha ni taekwondo jin Kirstie Elaine Alora ang flag mula kay Lariba.

Napag-usapan na iyon bago pa umalis ng bansa­ ang PHL delegation, at hindi big deal ang switch.

Kinabukasan kasi (Sabado sa Rio) ay sasalang na agad si Lariba sa singles qualification round ng kanyang sport, kaya iniwasan na mapagod siya nang todo.

May kabigatan ang flag, winawagayway pa at medy­o mahaba-haba rin ang parada.

Pinag-usapan pa bago ang parade kung hindi na pagmamartsahin si Lariba, pero itinuloy din at binigay rito ang karangalan para maging flag-bearer ng Pilipinas. Naghati pa sila sa honors ni Alora. Parehong first-time Olympians ang dalawa.