Pinagtulungang gulpihin at saksakin hanggang sa mapatay ng apat niyang kainuman ang isang 33-anyos na lalaki matapos na i-video nito ang mga suspek habang bumabatak ng shabu, sa Caloocan City kahapon nang umaga.
Sa ulat ng Caloocan City Police Community Precinct 7, bandang alas-nuwebe nang umaga nang mangyari ang krimen sa Malikbo Area D, Intervile Subdivision sa Barangay 164 ng nasabing lungsod.
Kainuman ng biktimang si Randy Torres ang mga kalugar na suspek na kinilala sa mga pangalang Mark Dumanging, John Carab, Jesus Ramos, at Lavin Porlaje nang bigla umanong magsagawa ng pot session ang apat.
Doon na sila inumpisahang i-video ng biktima at nang makita nila itong kinukuhanan sila ay nagalit at ginulpi si Torres.
Kahit lupaypay na ang biktima ay pinagsasaksak pa umano ito ng mga suspek ng basag na bote sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na siyang naging dahilan ng agaran niyang pagkamatay.
Mabilis namang nakahingi ng saklolo sa nasabing himpilan ng pulisya ang mga nakasaksi sa krimen kaya rumesponde ang mga pulis pero ang suspek na si Dumanging lang ang naaresto dahil nagawang makatakas ng tatlo pa nitong mga kasama.