Sa nabulgar na ‘pastillas’ modus sa Bureau of Immigration (BI), hamon ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap na lumantad ang kumuha ng video na nagpakita ng isang immigration officer na nag-e-escort sa mga Chinese national patungo sa tanggapan ng BI para i-validate ang kanilang identity.

Sa hearing kahapon ng House games and amusement committee, sinabi ni Yap, dapat lumabas sa publiko ang kumuha ng video at magsilbing witness sa sinasabing P10K ‘pastillas’ modus na kinasasangkutan ng mga Immigration official.

Paliwanag ni Yap, walang saysay kung video lang ang gagamitin tungkol sa ‘pastillas’ modus sa halip kailangan umanong may magpatotoo o witness sa nilalaman ng video.

Bukod dito, kailangan umanong gumawa ng sinumpaang affidavit ang saksi upang ito’y kilalanin at tanggapin ng korte.

Sa pagdinig ng Senado kamakalawa ay ipinakita ni Senador Risa Hontiveros ang nabanggit na video na itinuring nitong ebidensiya sa nagaganap na katiwalian sa BI partikular ang mabilis na pagpapasok sa mga Chinese tourist at makapagtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Ope­rators (POGO). (­Eralyn Prado)