Naaresto na ng mga tauhan ng Pasay City Police ang lalaking sapilitang nanghihingi ng isang daang pisong limos sa isang babaeng motorista na nag-viral kamakailan sa EDSA Guadalupe, Makati City.

Ayon kay P/Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, naaktuhan pa na may hawak na malaking tipak ng bato at balisong ang lalaki na si Richard Dela Cruz, 25, na nananakot sa mga dumadaang motorista sa EDSA na basagin ang windshield at gagasgasan ang kotse ng isang babaeng motorista kung hindi magbibi­gay ng P100 limos.

Naaresto si Dela Cruz sa may harapan ng Plaza 66 Brgy. 183 Villamor­ dakong alas-dos nang hapon ng mga awtoridad habang nagpapatrulya.

Pinaghahanap ito ng pulisya kasunod ng reklamo ng motoristang babae na naging biktima nito.

Nauna rito, isa ring lalaki na may kahalintulad na modus ang naaresto kamakalawa sa bahagi naman ng Quezon City.

Magugunitang nag-viral sa social media ang nasabing lalaki na may hawak na bato at nanghihingi ng limos. Nang bigyan ng limang piso ay nagalit ito at humingi ng P100. ‘Pag hindi nagbi­gay ay babasagin nito ang salamin o kaya ay gagasga­san ang sasak­yan. ­(Armida Rico)