Timbog sa follow-up operation ng mga awtoridad ang isang lalaki na nag-viral sa social media matapos agawin ang motorsiklo ng isang senior citizen sa Quezon City.
Nahulihan din ng baril na caliber .38 revolver na kargado ng tatlong bala ang suspek na kinilala ni Quezon City Police District director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. na si Banjo Dela Paz, residente ng Brgy. Bahay Toro sa nasabing lungsod.
Naaresto ang suspek dakong alas-10:10 ng gabi nitong Biyernes sa Lones St., Brgy. Sangandaan, Project 8, Quezon City ng pinagsanib na puwersa ng Masambong Police Station 2 at Talipapa Police Station 3.
Bandang alas-8:30 ng umaga minamaneho ng suspek ang isang motorsiklong Honda TMX sa Osmeña St., Brgy. San Antonio, Quezon City nang mabangga nito ang Toyota Vios ni Michael Angelo Agustin.
Pero sa halip na hintuan, iniwan ng suspek ang kanyang motorsiklo at tumakbo patungong Roosevelt Avenue at nang makita ang motorsiklong minamaneho ng 64-anyos na si Lunito Romo ay agad na sumakay sa likod nito, hinawakan ang manibela at pinaharurot ang sasakyan.
Hindi naman bumitaw ang matanda sa kanyang motorsiklo kahit ang suspek na ang nagpapaandar kaya nakaladkad ang kanyang paa sa sementadong kalsada hanggang sa tuluyang mahulog.
Isang motorcycle rider ang nakakuha ng video sa insidente kung kaya’t natukoy ang suspek.
Matapos maaresto ang suspek ay narekober din sa kanya ng mga pulis ang tinangay na motorsiklo ni Romo.
Nabatid na dati nang nakulong ang suspek dahil sa iba’t ibang kaso ng pagnanakaw at nakalaya lamang dahil sa piyansa.
Inamin umano ng suspek sa himpilan ng pulisya na ginagawa niya ang pagnanakaw para may pambili ng droga. (Dolly Cabreza)