Nagbabadyang krisis sa trapiko

Sa isinagawang Senate inquiry hinggil sa problema sa trapiko noong Miyerkules, napag-alaman na noong 2015 ay umabot na sa 2.3 milyon ang bilang ng mga sasakyan sa National Capital Region (NCR) samantalang ang mga kalsada ay umaabot lang sa 3,000 kilometro.

Base sa datos ng Department of Transportation, may walong milyong rehistradong sasakyan sa buong Pilipinas at ang 2.3 milyon sa NCR ay sobra sa one-fourth ng kabuuang bilang at ito ang dahilan kung bakit matindi ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

At kung napakabilis ng pagtaas ng bilang ng mga sasakyan sa NCR ay siya namang bagal ng pagdaragdag ng mga kalsada at sa maraming bahagi ng Metro Manila ay ginagawa pang paradahan ang mga gilid ng kalye na nakakadagdag sa paglala ng trapiko sa NCR.

Nagbabala si Transportation Secretary Arthur Tugade na kung hindi masosolusyunan ang problema sa trapiko sa Metro Manila ay mauuwi ito sa “traffic crisis” gaya ng nararanasan ngayon sa mga lungsod ng Cebu at Davao.

“It is happening in Cebu, and it is already starting in Davao. If we don’t pay attention, what’s happening on Edsa will be replicated everywhere and anywhere,” paliwanag ni Tugade sa Senado.

Kung susuriin ang problema sa trapiko sa Metro Manila, malaking sanhi nito ang kawalan ng disiplina ng mga motorista lalu na ang mga driver ng jeepney, taxi, tricycle at bus na hindi marunong tumabi nang maayos para magsakay at magbaba ng mga pasahero.

At dahil walang mga garahe ang mga jeepney at tricycle ay sa mga gilid ng kalsada lang sila pumaparada at kadalasan pa nga ay ginagawang talyer kahit pa major thoroughfare ang mga kalye kung saan sila nakabalandra.

May kapangyarihan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na magtanggal ng mga illegally-parked vehicles sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at ito ay kanilang ginagawa tuwing panahon ng Kapaskuhan sa pamamagitan ng mga Mabuhay Lanes o Christmas Lanes.

Epektibo ang MMDA sa pag-tow ng mga iligal na nakaparada at pagbaklas ng mga iligal na istruktura gaya ng mga basketball court, carinderia, billboards at kulu­ngan ng mga alagang hayop pero tuwing Christmas season lang ito ipinapatupad ng MMDA.

Walang makapalag sa MMDA dahil suportado sila ng Department of Public Works and Highways (DPWH), PNP-Highway Patrol Group (HPG), Department of Interior and Local Government (DILG), Land Transportation Office (LTO) at mga local government units (LGUs).

Kaya nga tama ang panukalang batas ni Senador Sherwin Gatchalian na naglalayong gawing mandatory requirement ng LTO sa mga bibili ng sasakyan na magpakita ng katibayan na sila ay may garaheng paparada­han ng kanilang bagong sasakyan.

Sa ilalim ng kanyang Senate Bill No. 201 na kilala rin sa tawag na “Proof-of-Parking Space Act,” makokontrol ang walang habas na pagbili ng mga bagong kotse ng mga motorista dahil ang mga papayagan lang makabili ay yaong mga may garahe at parking space na wala sa kalsada.

Kung maisasabatas ang Gatchalian bill ay luluwag ang mga secondary roads dahil mawawala na ang mga illegally-parked vehicles at iba pang obstruction na dahilan kung bakit napakasikip ng EDSA lalu na kung rush hour.

Sa ngayon kasi ay kahit gustuhin man ng mga moto­rista na gumamit ng secondary roads, alam nilang mas lalu silang mata-traffic dito dahil sa mga obstruction at mga nakaparadang sasakyan sa magkabilang gilid ng kalsada.

Kung kagyat na maisasabatas ang “Proof of Parking Space Act” ni Gatchalian ay malaking tulong ito sa pagresolba ng problema sa Metro Manila at hindi na kakailanganin ang emergency powers ni President Rodrigo Duterte para maiwasan ang pagkakaroon ng matinding “traffic crisis.”