Umapela kahapon si Manila Mayor Francisco `Isko Moreno’ Domagoso ng `ceasefire’ sa lahat ng mga nagbabangayang politiko at sa halip ay ituon ang pansin kung paano matatapos ang suliraning dala ng coronavirus 2019 sa bansa.
Sa kanyang public address ay naging madadamin si Moreno at nakiusap sa publiko na huwag padadala at pagagamit sa mga politiko na may pansariling interes.
‘Huwag kayo pagamit sa sisihan at pulitika ng politiko… COVID ang kalaban. Ang tanging mananalo sa away ng politiko ay kapwa politiko. Palitan man natin ang liderato, wala pa ring makapagbibigay ng takda at tamang solusyon sa ating kinakaharap.. maghunus-dili po tayo,’ayon kay Moreno.
‘Bilang ama ng Maynila at kapitolyo ng bansa, sa maliit kong kaparaanan, ako ay nananawagan sa liderato sa national, oposisyon at administrasyon, may kiling sa kanan, may kiling sa kaliwa, lalo na sa hindi nagkakaunawaan, pwede ho ba makisuyo sa kapwa ko mga politiko, pwede ba 90 days lang pahinga muna tayo ng pulitika?’ dagdag pa nito.
Sinabi rin ni Moreno sa mga walang ginawa kundi ang batikusin ang lider ng bansa at baluktutin ang kanilang panawagan sa pagsasabing ibigay bilang donasyon samantalang hindi pa naman nakakapagbigay ng tulong simula pa noong una sa mga nangangailangan.
‘Nagsusumamo ako, huwag na kayo maghanap ng butas hindi bawat salita ng lider eh binibigyan ng ibang kahulugan. Tutal magaling kayo, i-donate nyo lahat ng sweldo at kakayanan ninyo sa tulong sa tao. Walang magaling dito. Walang mahusay sa laban na ito. Huwag na kayo lumayo, mayayamang bansa tiklop, ‘ayon pa kay Moreno.
Hindi rin pinaligtas ni Moreno sa kanyang panawagan ang mga senador na hindi man lang nagpapakita para tumulong, lalo na sa mga walang makain.
‘Mga senador, 24 lang kayo.. mga sekretaryo mga pulitikong katulad ko ngayon nyo ipakita ang pagmamahal nyo sa Pilipino.. kaming taga-Maynila Pilipino rin.. marami nagdarahop ngayon asan kayo ngayon? Hinahanap namin kayo,’ buntunghininga ng alkalde.
‘Puro na lang kontra rito kontra roon dahil sa isinusulong nyong political interest.. wala ba kayong puso? Kukunin ninyo pagkakataon ng kahinaan ng mga lider gayung kung kayo ang lider alam din ninyo sa inyong konsensiya at puso na wala rin kayong magagawa… Ano ba ang 90 diyas napakadali… 2022 pa ang halalan,’ giit pa ng alkalde.
May panawagan din si Moreno sa mga politikong walang ginawa kundi mag-ingay sa halip na tumulong. ‘Wag kayo makapunta-punta dito pagdating ng halalan gayung ngayon ay hindi namin kayo matagpuan. Mas natatagpuan pa namin kayo sa diyaryo, sa telebisyon kuda nang kuda kiyaw-kiyaw nang kiyaw-kiyaw, asan?’
Habang pinuri naman at hiniling ni Moreno na pamarisan ng ibang artista at celebrity si Angel Locsin na direkta tumutulong sa taumbayan.(Juliet de Loza-Cudia)