Isusunod nang arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nagbabanta sa social media laban kay Vice President Leni Robredo at sa mga anak nitong babae.

Ayon kay Nick Suarez, Public Information Officer ng NBI, nakarating na sa NBI ang post ng isang lalaking netizen na inaalam umano kung saan nakatira si Robredo para ito’y kanyang patayin.

Gayundin ang post ng isa pang netizen laban sa mga anak na babae ni Robredo na pinagbabantaan pang gagahasain at pinagsabihan ng masasamang salita.

Nagbanta rin ang NBI na aarestuhin ang sinumang magbabanta at magpo-post ng masama laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Una nang inaresto ang isang titser matapos na mag-post na magbibigay siya ng reward sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa rin ang inaresto sa Aklan matapos na mag-post na magbibigay siya ng P100 milyon sa makakapatay kay Duterte. (Juliet de Loza-Cudia)