Nagbaon ng baril, bala: Bumbay dinampot sa NAIA

Inaresto ang isang pasaherong Indian national makaraang mahuli ng mga tauhan ng PNP-Aviation Security Group na may dalang isang baril at mga bala, ilang sandali bago umalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kahapon.

Nakilala ang naares­tong bumbay na si Baljinder Singh Ranu, 44, may-asawang Pinay, naninirahan sa Balanga, Bataan.

Siya ay isang negos­yante o nagpapautang sa nasabing lalawigan.

Sa ulat ng pulisya, nakatakdang lumipad ang suspek patungong Thailand lulan ng Thai Airlines flight TG 621 kung saan paglatag ng kanyang bagahe sa x-ray machine ay humugis mula sa loob nito ang isang baril at mga bala.

Agad na pinabuksan ng security personnel ang kanyang bagahe kung saan dito na nabisto ang bitbit nitong baril na .45 caliber at mga bala.

Mariin namang itinanggi ni Ranu na sa kanya ang baril ngunit sinampahan pa rin siya ng kaukulang kaso. ­(Armida Rico)